Monday, May 2, 2011

Anak Ng Putik (2004 Infanta and Real, Quezon)

Imbes na nakakasilaw na dalampasigan ay malapot na putik ang sumalubong sa amin sa Real. Imbes na masayahing mga mukha ng mga nagtitinda sa gilid ng mga resort ay mga mukhang humihingi ng tulong, saklolo at pangunawa. Imbes na mga taong maari mong tanungin ng direksiyon, ay mga taong tatanungin ka kung ano na ang mangyayari sa kanila. Imbes na mga makukulit na bata sa kalsada, ay mga inang blanko ang mata. 


Ang CCP, bow.


CCP Sining Sa Iskuwela - Real, Quezon Team
Kasama ko ang CCP Outreach at ang UNICEF nang una akong makatapak sa lupa ng Real, Quezon matapos ang sumalantang bagyo sa kanilang maliit na lugar noong 2004. Sabi nila ang gaganda daw ng mga dalampasigan doon, maliit na komunidad na may kasindaming tao lang ng isang barangay sa amin sa Makati. Ibang klaseng gala ang naranasan ko dito. Naging malaking bahagi ng buhay ko ang mga lakwatsa namin noon sa CCP outreach team, kung saan ay naging isang facilitator ako para sa musika. Sa programa ng CCP na ito, tinutulungan namin ang mga nasalanta na magkaroon ng dibersiyon sa tulong ng sining. Nang sa gayon ay maituon nila ang kanilang mga pansin sa sining na tutulong sa kanilang maibsan ang kanilang malalagim na karanasan, tulad ng sa kaso ng mga tao sa Real sa kakatapos lamang noon na landslide sa kanilang lugar. 

Sa grupong iyon nakilala ko ang mga magagaling na mga artista tulad nila Salvador Ching (painting) Luis Gatmaitan (Literature), Vhim Nadera (Literature), Tracey Santiago (Theatre), Vic Flor (Dance), mga staff ng CCP na singkukulit din gaya nila Bobby, Ms. Eva S., Eyna V., at madami pang mga tao na nakasama ko sa marami-raming galaan. Sabi nga ng mga Batangueno "kalat ang paa"- yan kami noon. Ang mga kuwentong CCP ay magiging ibang blog entry on its own sa dami ng mga pangyayaring kakaiba, nakakatakot, nakakatawa, nakakaiyak at nakakasama ng tiyan na naranasan namin. Samantala, ito ang kuwento ng biyaheng Real, Quezon, kasama ang mga pinakamakukulit at talentadong tao. Anak ng putik nga naman.

Tumuloy kami sa isang resort na walang katao-tao. For obvious reasons, bakante lahat ng cottages nila. Dumating kami ng maaga lulan ng coaster ng CCP. Matapos ang mistulang habang buhay na biyahe, minatamis ko na lang na humilata sa kama imbes na makipag kuwentuhan sa dalampasigan. Diko namalayan ang oras at naalimpungatan ako sa tawag ng coordinator naming si Eyna para sa hapunan. Gaya ng kinagawian, sa hapunan napag-usapan ang mga gagawing preparasyon para sa mga session. 


Nagpa-plano ang grupo kasama ang
mga taga UNICEF. (Kunwari Nakikinig
Ako)

Habang umaandar ang talakayan lumilipad ang isip ko. Sabi nila gabi daw nang dumating ang landslide. Kaya nga maraming namatay. Sabi ng mga locals kung araw dumating ang landslide ay 'di sana 'sing rami ang namatay sa sakuna. Ano kaya kung mag landslide ulit? Ano ba ang pakiramdam ng kumain ng putik? Sakto isda ang ulam medyo lasang putik. Nawalang ako ng gana, pero tuloy padin ang imagination ko. Kakaiba ang pakiramdam na iyon dahil sa karamihan ng mga biyahe ko, na kadalasan ay pag akyat sa bundok, pinapahalagahan at inilalapit ko ang sarili ko sa kalikasan. Gusto ko kasi ma appreciate at mahalin ang natural na buhay ng kalikasan. Ngunit sa ganitong pagkakataon, mamahalin mo ba ang kalikasan na kumitil ng 'sangkatutak na buhay ng mga inosenteng bata? Nag-iwan ng mga balo, sumira ng mga tahanan, nangwasak ng mga puso. Nakakapang lambot ang mga pangitain sa lugar na iyon. Nang dumating kami ay may dalawang araw nang nakalipas ang landslide. Sa pakiramdam ko lang ay habang tumatagal ay lalong tumitindi ang epekto ng sakunang iyon sa kanila. Habang lumilipas ang mga araw lalong nararamdaman nila ang mga kawalan. May isang gusali kaming nadaanan na nagmistulang pinagpatong patong na layer ng semento. Nawala ang mga haligi at nagpatong-patong ang mga palapag. Sa pagkagulat ko, barangay hall pa pala iyon. Sa gilid ng gusali, nakita namin ang mga nakatirik na krus. Sabi nila itinirik na lang ang mga iyon bilang simbolo ng mga nangamatay roon. Hindi na nila nahagilap ang mga bangkay ng karamihan dahil inagos na ang mga ito sa karagatan. Nag e-echo sa isip ko ang "inagos sa karagatan".  Simple lang ang pagkakasunod-sunod ng mga pangyayari pero mahirap maarok dahil hindi ito natural. 

Bangungot ng gising


Nakilala namin ang isang batang wala ang kalahating mukha. Isa siya sa hindi napasama sa mahigit 2,000 na mga taong tinangay ng landslide. Nakilala ko din ang mga batang babae na naglalahad pa ng kuwento nilang pagka gising daw nila ay nakita nila ang di mabilang na mga bangkay sa plaza. Ang iba duguan ang ilong, ang iba ay bloated at walang kulay, ang iba naman ay nasa sako at patong patong sila. Para sa kanila ito ang higit sa lahat na kakailanganin nila ang mainit na mga kamay ng kanilang ina upang mapawi ang mga takot at pagkagitla nila sa mga bagay na nakita. Kasamaang palad para sa ilan, ang mga kamay na iyon ay nasa mga sako na. Malagim ang mga nakita ko sa lugar na ito. Hindi ang mga bangkay at mga gumuhong gusali ngunit ang mga mata ng mga batang nangungulila at naguguluhan. Sa kanilang pangmalas ito ay isang bangungot. At ang masakit na katungkulan namin sa misyon na iyon ay sabihin sa kanilang sila ay gising na.

Naitanong ko sa sarili ko "Sino ba ako para tulungan sila?". Sino nga ba ako para sabihin ang ikagagaling ng mga sugat nila. Sino nga ba ako para maging tagapagligtas nila habang ako mismo ay may sariling sakuna sa kalooban ko. Pakiramdam ko ay isa akong doktor na mas malala pa ang sakit kaysa taong ginagamot niya. Pero sa panahong iyon ay ako ang tinitingala ng mga bata. Umaasa na ang bawat kanta na ituturo ko sa kanila ay magiging pintuan ng munting puso nila. Kahit mga awiting alam na nila ay para bagang bagong bago sa pandinig nila pag sinabi ko sabay sabay. kanta!

Natatandaan ko pa ang isang evaluation namin matapos ang isang araw ng akitibidades namin. Nabanggit ng kasamahan kong si Tracey na muntikan na niyang naipakanta ang kanta ni Mariah Carey na "I Can Make It Through The Rain" ng hindi sinasadya at wala sa isip niya. Malamang ay hindi masasakyan ng mga bata ang punto ng kanta. Kaya mula noon ay naging maingat kami sa pagpili ng mga materyales sa sesyon. Hindi pala biro ang tumayong sandalan kung ang mga bagay na ito ay kailanman 'di mo pa naranasan. Nahihiya ako sa sarili ko kung bakit sila ay dumanas ng ganito habang ako ay walang katiting na ideya kung ano ang kumukulo sa mga puso nila. Sa kabila ng mga tanong ko, ipinokus ko ang sarili ko sa mga bagay na kaya ko lang sagutin. Bagay na abot ng pang unawa ko. Iyon ay ang magagandang bagay na maibabahagi ko sa kanila. Napagisip-isip ko na ang tanging bagay na maitutulong ko ay ang maibigya ko sa kanila ang wala sila sa panahong iyon - positibong pananaw at sariwang lakas ng loob. Lakas na loob na naipon ko sa mabubuting bagay sa buhay ko na ngayon ay malabo para sa kanila. 

Habang nagsesesyon kami sa mga silid-aralan na puno ng putik, pinilit kong iparamdam sa kanila sa abot ng aking makakaya na kami ay nagkukuwentuhan sa gitna ng parke na berdeng-berde. Pinilit kong ipakita ang mga ngiting parang kami ay nagkakantahan sa nakakasilaw na tabing dagat. Ipinagpamamaya ko na ang aking mga katanungan. Natutuhan ko dito na minsan ang masasayang bagay ay di kailangan pag-isipan. 

Tinawag ko silang mga anak ng putik. Gaya ng ina na nagbibigay buhay, ang putik ay nagbibigay leksiyon hindi para sa mga naiwang buhay, ngunit para sa mga taong may kagagawan ng kanilang pagkamatay. Mga taong ganid, mga pulitikong manhid. 


+dedicated to the sons and daughters of Quezon who lost their lives in the 2004 landslide, and to the brave souls of selfless volunteers from CCP, UNICEF and other volunteers from all over the country. 













Wednesday, April 27, 2011

Boy Layas

Bata pa ako binansagan na akong "boy layas". Siguro kasi kung hindi man ako naliligaw ay naglalayas ako. Balintuna kasi ako lang ang mahilig maglayas na naliligaw. Minsan kasi hindi ko ko alam kung saan ako pupunta pero gusto ko puntahan. Para sa akin nandoon ang saya ng isang paglalakbay - yung hindi mo alam ang kahihinatnan ng biyahe mo. Sa awa ng diyos hindi ko pa naman nakita ang sarili kong tumitingin sa maliit na liwanag sa dulo ng tunnel matapos ang mga biyahe ko. Kadalasan lang hindi ko maintindihan ang kausap ko. Ako na yata ang pinaka masamang biyahero, well, kumpara sa mga "prepared".

Ang unang nagbigay ng inspirasyon sa akin sa paglalayas ko ay ang uncle ko. Tinanong ko siya kung ano ang plano nya pag retire niya. Nagulat ako sa sagot niya kasi hindi ko maubos maisip na magtatapos siya ng dalawang kursong mahihirap at kakaiba ang tittle at parang pang matalino lang, at ang isasagot niya ay ang ibalot sa isang backpack ang kaniyang buhay at maglakbay. Laptop at backpack lang daw ang kailangan niya. Napaisip ako kasi ang akala ko noon ay magpapatayo ka ng bahay, bibili ng kotse, yayakapin sa kusina si misis, aakyat sa kwarto, tapos biglang may papasok na mga bata tatalon sa kama... cut to... nagmamaneho kayo palabas ng village tapos magtatampisaw sa beach. Tapos tatanda at mag aasawa ang mga anak saka ka bibingo - yang ang iniisip kong retirement.

Matagal kong pinag-isipan ang sinagot sakin ng tiyuhin ko. Sabi ko siguro ginagago lang ako nito, pero type ko yung sagot niya. So ibig sabihin noon ay gago din ako. Naging interesado ako sa paglalakbay at pinatunayan ko yan ng paulit-ulit akong naglayas ng bahay. Paminsan ako ang pinalalayas. Siguro 'di tulad ng karamihan ay mas maraming taon ang nasa labas ako ng bahay kaysa nasa loob nito, nagsasaing at tumutulong sa gawaing bahay. Pero sinusulit ko naman ang mga panahong kinukupkop ako ng magulang ko, marunong ako magwalis, magluto ng itlog, maghugas ng pinggan at special talent ko ang magplantsa.

Di naman karamihan ang mga narating kong lugar. Una ay kakulangan sa badyet tapos kakulangan din sa oras. Busy kasi ako sa pagpaplano ng susunod na pupuntahan kaya hindi ako makaalis. Ganunpaman, para sa akin, ang mahalaga sa paglalakbay ay hindi kung ano ang narating mo kun'di ay kung ano ang epekto sa buhay mo ng paglalakbay mo. Nagiging totoo sa akin ang isang lugar na napupuntahan ko. Matagal na bumabaon sa isip ko ang mga imahe at kultura ng mga taong nabubuhay sa lugar na iyon, at kung paano sila naiiba sa kinalalagyan ko.

Gaya ng buhay natin na mayroong maraming narating at mayroong kaunti, ang bawat isa ay manlalakbay sa ganang kaniya. Ang destinasyon ay laging nandiyan sa gusto mo o sa hindi, sa bawat pihit ng buhay natin ay bahagi na ang lugar at kultura na humuhigis sa ating pagkatao. Maging sa ibang planeta ka magpunta o sa karatig bayan man, sa amerika o sa talipapa, ang tunay na diwa ng iyong paglalakbay ay nasa kalakip na aral ng bawat milya. Bawat milyang tinatahak mo ay panibagong aral na maaaring magpabago sa buhay mo, sa pananaw mo, at sa hilo mo sa biyahe. Diko na mabilang ang nasukahan kong bus at sidewalk. Kaya mag-ingat sa hilo.

Ang blog na ito ay iniaalay ko sa lahat ng mga manlalakbay sa buhay. Ito ay koleksiyon ng mga aral na natutuhan sa bawat pinagdaraanan. Gaya ng biyahe, ang buhay ay may lubak, may patag, may pataas at mayroon ding pababa. Maari kang mahulog kaya't patuloy na nagmamatiyag na ang ating daang tinatahak ay patungo sa rurok. Upang ating makamit ang matamis na hangin ng tagumpay. Gaya ng bawat bundok ang tagumpay ay pansamantala lamang habang tayo ay nasa tuktok pa. Samantalahin ang bawat sandali ng ginhawa sapagkat sa kalauna'y papanaog na mula sa ginhawa. Ngunit muli kang gagayak upang marating ang susunod na tagumpay sa ibang destinasyon. Destinasyon ng buhay ang bawat paglalakbay.

Padayon!